BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Tinambangan at napatay ang regional director ng Department of Agriculture ng mga ’di-pa kilalang kalalakihan kahapon ng umaga sa pagitan ng bayan ng Solana, Tuguegarao City sa Cagayan.
Napuruhan sa leeg at hita ng mga bala ng baril ang biktimang si Dr. Gumersindo Lasam, opisyal ng Department of Agriculture sa Region 2 sa Cagayan Valley.
Sa police report na nakarating kay P/ Chief Supt. Roberto Damian, Cagayan Valley police director, lumilitaw na binabagtas ng biktimang nagmomotorsiklo ang irrigation bridge sa pagitan ng mga Brgy. Basi West at Bagumbayan nang harangin at ratratin ng mga maskaradong kalalakihan bandang alas-7 ng umaga.
Namatay sa Saint Paul Hos pital sa Tuguegarao City, Cagayan ang biktima bandang alas-9 ng umaga kahapon.
“We are still organizing the information obtained from the crime scene so we still have to determine the motive of the incident,” pahayag ni P/Senior Supt. Moro Lazo.
Kaugnay nito, agad na bumuo ng Lasam Task Force sa pangunguna ni P/Senior Supt James Melad upang maresolba ang pamamaslang sa nasabing opisyal.
Samantala, nagpalabas na ng P1 milyong reward ang gobyerno mula sa Office of the President para sa mabilisang ikareresolba ng pagpatay kay DA Region 2 director Gumersindo Lasam. Dagdag ulat ni Joy Cantos