PALOMPON, Leyte , Philippines – Sa ilalim ng tubig sinalubong ni kamatayan ang isang turistang Tsino matapos itong malunod habang nag- snorkeling sa kontrobersyal na Kalanggaman Island noong Linggo ng umaga.
Kinilala ni LGU information officer William Merin, ang biktima na si Li Fan Ying, 26, ng Shanghai, China.
Napag-alamang iniulat na nawawala ang biktima noong Linggo ng hapon hanggang sa matagpuan ang bangkay nito na lumulutang sa tubig ng nasabing isla na pinaniniwalaang pag-aari ni Celso de Los Angel ng Legacy Group of Company.
Base sa ulat, ang biktima at co-worker na si Tang Li Ping, 27, ay naka- billeted sa Blue Corrals sa Malapascua Island sa Daan Bantayan Island, Cebu.
Nabatid na nakilala ng dalawang turista, ang dalawang Swedish nationals na sina Pir Johan Lundin, at Jenny Sophia Lindbatt, habang patungong isla sakay ng motorboat (Marina) nina Joel Malinao at Restituto Monterde, ng Bantayan Island.
Dinala na ng pulisya ang bangkay ng biktima sa local funeral parlor at hinihintay na lamang ang representative mula sa Chinese embassy habang ang dalawang operator ng motorboat ay pansamantalang ikinulong ng pulisya subalit nakatakdang palayain matapos ang imbestigasyon. (Roberto Dejon)