CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines – Tinatayang aabot sa P22 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos masunog ang 18-kabahayan noong Biyernes Santo ng madaling-araw sa Romblon.
Ayon kay P/Senior Supt. Nilo Anzo, Romblon police director, nagmula ang apoy sa panaderya na malapit sa public market sa Barangay 2 Poblacion bandang alas-10:30 ng gabi na tumagal ng hanggang alas-2 ng madaling-araw ng Sabado.
Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa nasabing sunog.
Sa panayam ng PSNgayon kay P/Senior Fire Officer 2 Rolly Malay, Romblon fire chief, naisampa sa general alarm ang naturang sunog na sumira sa 18 kabahayan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon nina SFO2 Malay, may sumabog na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Romblomanon Bakeshop na pag-aari ni Jerry Victor Barnes.
Ayon naman kay Allen Virtucio, hepe ng office of the Civil Defense (OCD-MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), nai-relocate na ang 18 pamilya sa kani-kanilang mga kamag-anak sa pa ngangasiwa na rin ng mga tauhan ng Philippine National Red Cross.
Magsasagawa pa ng session ang mga konsehal at executive officials sa Lunes bago makapagdeklara ng state of calamity sa area at makapagpalabas ng calamity fund para sa mga nasalanta ng sunog. Arnell Ozaeta