43 Abu supporters nalambat

MANILA, Philippines – Umaabot na sa 43-katao na sinasabing taga-suporta ng mga bandidong Abu Say­yaf Group na dumukot sa tat­long miyembro ng International Committee of the Red Cross ang iniulat na inaresto ng mga awtoridad sa inilun­sad na operasyon sa Sulu.

Ayon sa report na naka­rating sa Camp Crame, ang crackdown ay alinsunod sa idineklarang state of emergency noong Marso 31 ni Sulu Governor Abdusakur Tan kaugnay ng hostage crisis. 

Ayon kay P/Supt. Jose Bayani Gucela, PNP Regional spokesman, kabilang sa 43-personali­dad na ina­ resto ay ang tat­long  pulis na sina SPO3 Muhilmi Ismula, PO2 Marcial Ahajan at SPO1 Sattal Jadjuli at ilang opisyal ng mga barangay na sina­sabing nakikipagsabwatan sa mga bandidong may hawak sa dalawa pang miyembro ng ICRC na sina Swiss national Andreas Notter at Eugenio Vagni habang ang Pinay na inhinyero na si Mary Jean Lacaba ay pinalaya na noong Abril 2 mula sa pagkakabihag simula pa noong Enero 15 sa Patikul, Sulu.

Nanindigan naman ang pamunuan ng AFP- Western Mindanao Command na ma­nanatili ang kanilang deployment ng tropa sa pinagkuku­taan ng Abu Sayyaf sa kabila ng tumitinding banta ng mga bandido na pupugu­tan ang da­lawang bihag kung walang ipapatupad ng military pull-out sa nabanggit na lugar.

Samantala, kaugnay pa rin ng ipinatupad na state of emergency, nagtalaga rin si Gov. Tan ng mga babaeng pu­lis sa mga checkpoint upang hindi malabag ang karapatan ng kababaihan.

Magugunita na idineklara ni Tan ang state of emergency kung saan nagpatu­pad ng checkpoints, choke­points, curfew at inaresto ang mga sinasabing kidnaper kabilang ang kanilang taga­suporta upang tiyakin ang proteksyon ng mamamayan ng Sulu. (Joy Cantos)

Show comments