RIZAL, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa magbiyenan habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan kahapon ng madaling-araw sa bisinidad ng Sitio Salumpit sa Barangay Macabud sa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni P/Supt. Felipe Abigan Jr. hepe ng pulisya, nasawi si Chairman Claudio Lastimada, 56; at ang manugang na si Salvador Albarina, 38, kapwa naninirahan sa Sitio Odiongan sa nasabing barangay.
Samantala, kabilang naman sa mga biktimang nasugatang naisugod sa Amang Rodriguez Medical Center ay sina Dandie Sadya, 30, driver; Florence Salvo, 40; at si Joseph Salvo, 14.
Naganap ang pananambang sa pagitan ng Sitio Salumpit at Sitio Odiongan road sa nabanggit na barangay kung saan nagmula ang mga biktima sa sabungan sa Brgy. San Isidro na sakay ng Mitsubishi Adventure na may plakang SHY 367.
Napag-alamang si Barangay Chairman Lastimada ang sinasabing nag-report sa himpilan ng pulisya ng Rodriguez sa pananabotahe ng mga rebeldeng NPA sa dump truck noong Enero 3 ng umaga sa nabanggit na barangay.
Dito na nagsimulang sumiklab ang madugong bakbakan ng mga operatiba ng 418th Provincial Mobile Group laban sa mga rebelde na ikinasawi ng dalawang pulis habang nabihag naman ang tatlo pang kasamahan nito na noong Biyernes ay pinalaya ng grupong Narciso Antazo Aramil Command-New People’s Army sa pakikipagdayalogo ni Rizal Governor Casimiro Ynares III at iba pang mga opisyales ng pamahalaan.