MANILA, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng isang detachment commander ng Philippine Army makaraang barilin at mapatay ang kanyang misis habang nagtatalo ukol sa negosyo, kamakalawa sa Barangay Capirpirwan sa bayan ng Cordon, Isabela.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Adelaida, 41, ng nabanggit na barangay, habang nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek na si T/Sergeant Augusto Bangayan, 46, at detachment commander ng Echo Company ng 77th Infantry Battalion.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-asawa kung saan dumating ang suspek na lango sa alak at kinompronta ang kanyang misis.
Dito nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa kaugnay sa kanilang negosyong pagpapautang ng bigas na nauwi sa pamamaril.
Iginiit naman ng suspek na hindi niya sinadya ang pamamaril at hindi nito kayang patayin ang asawa dahil mahal niya ito. Danilo Garcia