CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Isang lider ng militanteng grupo ang iniulat na napaslang habang sugatan naman ang iba pa makaraang pagbabarilin ng ‘di-kilalang lalaki sa bisinidad ng Brgy. Pook sa Sta. Rosa City, Laguna noong Lunes ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Rodney Ramirez, hepe ng pulisya, ang napatay na si Sabina Ariola, 51, ng Don Jose, Sta. Rosa City at chairwoman ng Mamamayan ng Sta. Rosa Para Sa Kagalingan, Kaunlaran, Kapayapaan, Tungo sa Magandang Kinabukasan ng Bayan (MSRK3). Ginagamot naman sa Perpetual Hospital si Adelaida Calosa, 48, na tinamaan ng ligaw na bala. Ayon sa report, lulan ng Isuzu Elf sina Ariola, Calosa at mga miyembro ng MSRK3 para dumalo sa session sa city hall nang maganap ang pananambang. Noong 2004, napatay din si Mely Carvajal, chairwoman ng MSRK3’s sa naturan ding lungsod. Arnell Ozaeta
2 dedo sa motorsiklo
BATAAN, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa magkaibigang lalaki na pinaniniwalaang walang helmet makaraang sumemplang ang kanilang motorsiklo at nasagasaan ng mga sasakyan sa Roman Super Highway sa Brgy. Laon, Abucay, Bataan kamakalawa. Halos malasog ang katawan nina Jonard Cruz, 53, may-asawa, driver at kaangkas nitong si Elliseo Rama, 26, kawani ng Universal Weavers at kapwa nakatira sa Esparanza Subdivision, Brgy. Poblacion sa bayan ng Mariveles, Bataan. May teorya ang pulisya na mabuhangin ang nasabing bahagi ng highway kaya naganap ang sakuna bandang alas-4:30 ng madaling-araw. Jonie Capalaran
Kawani ng Philpost tinodas
LEGAZPI CTY, Albay, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 34-anyos na kawani ng lokal na Philippine Postal Office ang kanyang kasamahan sa trabaho kamakalawa ng gabi sa Brgy. Tamaoyan, Legazpi City, Albay. Kinilala ni P/Supt. Edgardo Ardales, hepe ng pulisya sa Legazpi City, ang biktima na si Rodolfo Panganiban Jr. Samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Joseph Astro, tubong Baleno, Masbate. Sa police report, lumitaw na magkasamang umiinom ng alak ang dalawa nang magtalo kaugnay sa kanilang trabaho. Napag-alamang napikon ang suspek kaya niratrat nito ang kaharap na biktima. Ed Casulla
4 preso pumuga
MANILA, Philippines - Apat na preso ang iniulat na nakapuga noong Linggo ng madaling-araw sa naganap na jailbreak sa himpilan ng pulisya sa Zamboanga City, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat ng regional police office, kabilang sa mga presong tugis ng pulisya ay sina Nelson Rojas, 37; Christopher Salvador, 26; Raymund Santos, 28; samantalang Ben Saud na kaagad namang naaresto. Napag-alamang nilagare ng mga preso ang rehas na bakal sa likurang bahagi ng kulungan saka isinagawa ang pagpuga. Joy Cantos