MANILA, Philippines - Nalagay sa balag ng alanganin si Tudela Mayor Rogelio Baquerfo Sr. makaraang arestuhin ng pulisya kamakalawa sa loob mismo ng municipal building kaugnay sa kasong malversation ng public property na isinampa sa korte may limang taon na ang nakalipas.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Mel Valmoria, Lanreto si Baquerfo dahil sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Justice Ma. Cristina Cortez-Estrada ng Sandiganbayan 5th Division.
Nag-ugat ang kaso na isinampa ng kalabang politiko na si Demetrio Granada sa Ombudsman Visayas matapos iuwi ni Baquerfo ang 350 sako ng semento na nagkakahalaga ng P339, 233 bilang kapalit sa kinuha ng munisipyo.
Gayon pa man, inihayag ni Valmoria na nakalabas na kahapon sa selda ang nasabing alkalde matapos itong maglagak ng piyansang P40,000.
Nabatid pa sa opisyal na dalawa ang alkalde sa bayan ng Tudela pero si Baquerfo ang nirerekognisa ng Comelec. Joy Cantos
Bata putol-ulo sa buwaya
MANILA, Philippines - Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang batang babae matapos maputulan ng ulo sa pagsagpang ng bu waya sa Lake Mihaba sa bayan ng Bunawaan, Agusan del Sur, ayon sa opisyal kahapon. Natagpuan ng mga residente na lumulutang ang katawan ni Rowena Romano, 10, subalit wala na itong ulo. So Romano ay grade 1 pupil sa floating school na nasa bahagi ng Lake Mihaba sa nabanggit na bayan. Sa phone interview, sinabi ni P/Insp. Annielyn Dadi Valle, spokesman ng provincial police office, na naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi noong Sabado kung saan mag-isa ang biktimang lulan ng kahoy na bangka nang salakayin ng buwaya kaya nahulog ito sa tubig. Tuluy-tuloy na sinagpang ng buwaya ang biktima na nasaksihan pa ng ilan nitong kalaro na siyang nagreport sa mga awtoridad. Samantala, bunga ng insidente, pinalilikas ng lokal na pamahalaan ang may 18 pamilya sa Lake Mihaba. Joy Cantos
5 tiklo sa pekeng mga celpon
BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng limang kalalakihan matapos maaresto ng pulisya sa pagbebenta ng mga pekeng celpon sa bisinidad ng Brgy. Bagumbayan sa bayan ng Bocaue, Bulacan kamakalawa. Pormal na kinasuhan habang nakakulong ang mga suspek na sina Jayvee Bernardo, Lawrence Nodalo, Jack Bernardo, Jason Francisco, at si Alex Pili na pawang naninirahan sa Brgy. Camarin, Caloocan City. Base sa police report, isa sa mga nagreklamong biktima sa pulisya ay si Arjay Hernandez. Nakumpiska ng mga tauhan ni P/Supt.Ronal De Jesus, ang mga pekeng celpon na ipinagbibili ng mga suspek sakay ng Mitsubishi Delica van na may plakang RDP 311. Boy Cruz
Rapist na ama kalaboso
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang 40-anyos na ama matapos arestuhin ng pulisya sa rerklamong panghahalay laban sa dalawa nitong anak sa Brgy. New Culasi sa bayan ng Tulunan, North Cotabato kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang suspek na si Henry Tandog na ngayon ay nahaharap sa kasong multiple counts of statutory rape at attempted rape. Napag-alamang isinagawa ng suspek ang maitim na balak laban sa dalawang anak sa magkakasunod na taong 2004, 2006, 2007 at 2009. Nadiskubre ang krimen matapos pumalag ang dalawa sa pinakahuling panghahalay ng suspek. Malu Manar
5 tiklo sa nakaw na bike
LUCENA CITY, Philippines – Limang kabataan na sinasabing sangkot sa serye ng nakawan ng motorsiklo sa iba’t ibang bayan sa Quezon ang naaresto ng pulisya sa itinayong checkpoint sa Barangay Mayao Crossing, Lucena City, Quezon kamakalawa. Kinilala ni P/Senior Supt. Ronaldo Genaro Ylagan, ang mga suspek na sina Antonio Embradura ng Market View Subd.; Dante Abuan ng Leveriza Subd., Isabang, Tayabas; Kevin Ricafort ng Sariaya,Quezon at si Karl Figuerrez ng Brgy. Bocohan. Ayon kay SPO3 Renato Pelobello, nakumpiska sa mga suspek ang nakaw na motorsiklo na pag-aari ni Michael Zaballero na sinikwat sa harapan ng simbahan ng Brgy. Uno. Nadiskubre rin ng pulisya ang iba’t ibang parte ng motorsiklo matapos salakayin ang safehouse ng mga suspek. Tony Sandoval
20 sugatan sa highway mishap
BENGUET, Philippines – Dalawampung mag-aaral ang iniulat na nasugatan kabilang na ang apat na nasa malubhang kalagayan makaraang sumalpok ang pampasaherong jeepney ng mga biktima sa kongkretong barrier na nasa gilid ng highway sa Barangay Banangan sa bayan ng Sablan, Benguet noong Miyerkules ng umaga. Kabilang sa mga biktimang nasa malubhang kondisyon na nasa Baguio General Hospital and Medical Center ay sina Martin Christian, 11; Ma. Teresita Pogue, 6; Lorrain Ud-udlon, 6; at si Miako Ud-udon, 4. Napag-alamang patungo sa eskuwelahan sa bayan ng Sablan ang mga biktima nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber na si Rafael Quinong matapos na ’di-gumana ang preno ng sasakyan. Sa kabutihang palad ay sumalpok sa concrete barrier ng highway ang dyipni kaya ’di-nagtuluy-tuloy sa malalim na bangin. Artemio Dumlao