LAGUNA, Philippines – Napatay ang isang 44-anyos na supervisor ng gasolinahan matapos holdapin at barilin ng dalawang ‘di-pa nakikilalang lalaki sa Calamba City, Laguna kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Christopher Tambungan, hepe ng Calamba PNP, ang biktimang si Frederick Valencia, bisor ng Petron Gas Station sa Barangay Parian, Calamba City.
Ayon sa police report, magdedeposito sana si Valencia ng kanilang koleksyong P149,000 sa sangay ng Metro Bank sa nabanggit na barangay nang harangin ng mga armadong lalaking sakay ng motorsiklo bandang alas-3:30 ng hapon.
Habang nakikipag-agawan ng bag na may lamang pera ang biktima sa mga holdaper, binaril ito sa ulo at ideneklarang dead-on-arrival sa Calamba Doctors Hospital.
Mabilis namang nakatakas ang mga holdaper dala ang pera na ngayon ay tinutugis pa rin ng pulisya. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso