MANILA, Philippines - Kritikal ang kalagayan ngayon ng brodkaster ng DXCC Radio Mindanao Network na si Nilo Labares nang pagbabarilin ng ‘di nakikilalang mga armadong suspek dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi habang sakay ng motorsiklo sa Cagayan de Oro City, Misamis Occidental. Si Labares ay isinugod sa Maria Reyna Hospital dahil sa dalawang tama ng bala sa dibdib. Posibleng may kinalaman sa walang patid na pagbatikos ni Labares sa illegal gambling at video karera sa lungsod ang pamamaril. (Joy Cantos)
RMG director at tauhan sinibak
CAMP SIMEON OLA, LEGAZPI CITY, Philippines – Tinanggal na sa puwesto ang director ng Regional Mobile Group ng Philippine National Police dito at ang kanyang mga tauhan matapos na lumabas sa isang video ang hazing sa kanilang tanggapan.
Ipinalabas ni PNP Bicol Provincial Director Superintendent Paterno Bangui ang pagtanggal sa naturang group director na si Supt. Joel Regondola at sa mga tauhan nito.
Napagalaman na ang naturang video ay kuha noong nakaraang taon kung saan katatapos lamang ng scout training ng mga bagong pasok na pulis. (Ed Casulla)
Biyuda niratrat
MANILA, Philippines - Isang 42-anyos na biyudang si Marilou Cenidoza ang binaril at napatay ng tatlong lalaking pumasok sa kanyang bahay sa Montevilla Subdivision, Barangay Bilibiran, Binangonan, Rizal kahapon ng madaling-araw. Nahihirapan namang matukoy ng awtoridad ang pagkakakilanlan sa mga suspek dahil walang gustong tumestigo sa mga residente sa naturang lugar. (Ricky Tulipat)
Banko nilooban
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Natangay ng tatlong ‘di kilalang kalalakihan mula sa Asian Hills Bank ang mahigit P150,000 na koleksiyon nito dakong alas 2-ng madaling-araw kahapon makaraang tibagin nila ang isang pader ng bangko at lumusot sa manhole ng comfort room nito. Posibleng natiktikan ng mga suspek na walang guwardiya sa nasabing bangko. (Malu Manar)