MANILA, Philippines - Bangkay na nang matagpuan ang gurong anak ng isang kumander ng New People’s Army na dinukot kamakalawa ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa Davao City, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Eastern Min danao Command Spokesman Major Randolph Cabangbang na dakong alas-6:30 ng gabi kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Robelyn Pitao, 21 anyos, at guro sa St. Peter School sa Toril ng lungsod na ito.
Si Robelyn ay anak na babae ni NPA leader Leoncio Pitao alyas Commander Parago na aktibong kumikilos sa Davao-Compostela Valley area.
Ayon kay Cabangbang, ang bangkay ni Robelyn ay natagpuang nakadapa sa isang irrigation canal sa Purok 6, Brgy. San Isidro, Carmen, Davao del Norte.
Ang biktima ay may tatlong tama ng saksak sa dibdib at tanging underwear lamang ang suot nang matagpuan.
Narekober ng mga nagrespondeng awtoridad sa crime scene ang isang itim na slacks, puting blazer, isang sinturon at isang singsing.
Noong Miyerkules ng gabi dinukot ng mga armadong kalalakihan na lulan ng puting Toyota Revo na may plakang LPG-588 ang biktima sa bisinidad ng Bago Galera, Tolomo highway malapit sa Apo Golf ng lungsod na ito.