VILLAVERDE, Nueva Vizcaya, Philippines – Matapos ang mahabang panahon ay nabunyag din ang lihim na krimen ng isang ama laban sa kanyang anak na pinaslang at ibinaon may apat na taon na ang nakalipas sa Barangay Cabulluan, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Isiniwalat ng bunsong anak ang ginawang pagpatay ng kanyang amang si Joseph Luwit sa kanyang kuya na si Jordan Allag Luwit.
Nabunyag ang matagal nang krimen matapos magkita ang ina ni Jordan na si Lilia at ang lola kung saan umuuwi at nakatira ang biktima.
Napag-alamang inakala ng ina ni Jordan na nasa pangangalaga ng lola ang kanyang anak, at inakala rin ng lola na nasa piling na ng kanyang mga anak ang apo na sinasabing nasa Maynila kung kaya’t hindi na umuuwi. Dahil dito, ay buong tapang na binasag ng kapatid ng biktima ang bumabalot na misteryo sa pagkawala ng kanyang kuya at itinuro sa pulisya ang kanyang ama ang salarin.
Itinuro ng bunsong kapatid ang pinaglibingan ng kanyang kuya noong Pebrero 2005 kung saan ang kanyang ama ang bumaril at nakapatay.
Sa pahayag naman ng suspek sa pulisya, nagawa niya ang krimen dahil sa tigas ng ulo ng anak at hindi na sumusunod sa kanyang mga pangaral. Victor Martin