RIZAL, Philippines – Tatlo-katao na sinasabing nagpapakalat ng pekeng gold bar ang naaresto ng pulisya sa isinagawang entrapment operation sa Sitio Antipolo Hills, Antipolo City, Rizal kahapon ng madaling-araw. Pormal na kinasuhan habang nakakulong ang mga suspek na sina Avelino Malasang, 45; Jolito Arnado, 50; kapwa residente ng Sugod, Bugo Cebu City; at si Danilo Pineda, 54, ng Blk. 59 Caimito St. Antipolo Hills, Antipolo City. Sa ulat ni P01 Noel Salazar, na isinumite kay P/ Senior Inspector Aristone L. Dogwe, nasamsam ang 3-kilong pekeng bara ng ginto na sinasabing nagkakahalaga ng P40,000. Ricky Tulipat
Brgy. chairman itinumba
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay chairman ng Lanao del Sur matapos itong dumayo sa Barangay Simuay sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao noong Biyernes ng umaga. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Chairman Sulaiman Abdul ng Brgy. Bacayawan sa Marantao, Lanao del Sur. Napag-alamang bumisita lamang ang biktima sa kanyang mga kaanak nang mapaslang ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan. Joy Cantos
Dinukot na trader, laya na
Pinalaya na ang dinukot na Tsinoy bank owner ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Surigao del Norte, ayon sa opisyal kahapon. Kinilala ang biktima na si Johnson Teng, pangulo at may-ari ng Rural Bank of Placer sa nasabing lalawigan. Sa report ni P/Senior Insp. Nelly Villagracia na nakarating kahapon sa Camp Crame, kinumpirma ang pagpapalaya kay Teng bagaman walang gaanong detalye dahil ayaw ng magsalita pa ng pamilya ng nasabing bank owner. Sa tala ng pulisya, si Teng ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa mismong bahay nito sa bayan ng Placer, Surigao del Norte noong Enero 7, 2009. Joy Cantos
4 tiklo sa pot session
Rehas na bakal ang binagsakan ng apat-katao matapos maaresto ng pulisya na gumagamit ng shabu sa loob ng bakanteng bahay sa Barangay Halayhayin sa bayan ng Siniloan, Laguna, kamakalawa. Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, ang mga suspek na sina Benedicto dela Cruz, Filoteo Jarque, Marcelo Reyes, at si Florante Cora, pawang mga residente ng Sta. Maria, Laguna. Sinabi ni Labador na ang apat ay nahuli dakong alas-10 ng umaga noong Biyernes nang magsagawa ng operasyon ang mga elemento ng Siniloan Police sa Brgy. Halayhayin. Dinakip ang mga suspek sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Siniloan Regional Trial Court Branch 33 para sa bahay ni Joseph Reyes na pinaniniwalaang ginagamit ng mga suspek. Sa halip na mga drug paraphernalia lamang ang matagpuan, naaktuhan ng pulisya sina Dela Cruz na nagpa-pot session at nakuha sa mga ito ang tatlong sachet ng shabu. Joy Cantos