Rehas na bakal ang binagsakan ng isang misis at lover nito makaraang ipaaresto sa pulisya dahil naaktuhan ng mister ng una na magkasiping sa isang kubo sa Roxas City, Capiz, ayon sa ulat kahapon.
Pormal na kinasuhan si Marita Aguihap, 48; at ang sinasabing kalaguyong si Narciso Dayo, 22, kapwa residente ng Barangay Dinginan sa naturang lungsod.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na naalimpungatan ang mister na si Pancho nang maagang umalis ang kanyang misis para magtinda sa palengke.
At dahil sa pagdududa, sinundan ni Pancho ang kanyang misis na sa halip na dumiretso sa palengke ay pumasok sa kubo ni Narciso, na may ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay.
Gayon pa man, pinalipas muna ni Pancho ang ilang minuto at saka biglang pinasok ang kubo kung saan nabigla ito sa bumulaga sa kaniyang eksena.
Naabutan nito ang misis na wala nang saplot pang-itaas habang ang lalaki ay nakasuot na lamang ng brief na halata anyang naunsyami ang mainit na pagtatalik kaya kaagad ipinaaresto ni Pancho ang mag-lover na nakatakdang sampahan ng kasong kriminal. (Joy Cantos)