LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang mag-asawang negosyante makaraang hatawin sa ulo ng mga ‘di-pa kilalang lalaki kamakalawa ng hapon sa Barangay Gumaus sa bayan ng Paracale, Camarines Norte. Naisugod naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mag-asawang sina Winston Barrameda at Dolores Barrameda na kapwa naninirahan sa Orange Hill Subdivision sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte. Base sa police report, lulan ng motorsiklo ang mag-asawa nang harangin at hatawin ng kahoy sa ulo kaya sumemplang. Nagawang matangay ang bag na naglalaman ng 200 gramo ng ginto at ‘di-nabatid na halaga bago tumakas ang mga holdaper. Ed Casulla
Obrero tusta sa kuryente
OLONGAPO CITY, Philippines – Libong boltahe ng kuryente ang pumatay sa isang 39-anyos na obrero habang gumagawa sa ikatlong palapag ng gusali sa Barangay Barretto, Olongapo City kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jeffrey Geronimo, tubong Pook Pag-asa, Batasan Hills, Quezon City. Naisugod pa sa Mt. Carmel ang biktimang umuusok pa ang katawan subalit idineklarang patay. May teorya ang pulisya na ‘di-napansin ng biktima ang talop ng linya ng kuryente na sinasabing high tension wire na nakalagay sa poste kaya gumapang si kamatayan sa ginagawang gusali. Alex Galang
Wanted na brodkaster dinakma
MANILA, Philippines - Isang kilalang brodkaster na sinasabing kinasuhan ng rape ng kanyang kasambahay ang inaresto ng pulisya habang tumataya sa lotto outlet kamakalawa sa Barangay San Francisco sa Naga City, Camarines Sur kamakalawa. Ayon kay P/ Supt. Edgardo Ardales, hepe ng pulisya sa Legazpi City, isinilbi ni P/Senior Insp. Prandy Echaluce, ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Dy ng RTC Branch 7 laban sa suspek na si Ariel Ayque, brodkaster sa apat na local radio staion sa Albay. Ang nabanggit na kasong panggagahasa ay isinampa ng kasambahay ng suspek noong Nobyembre 2007. Nabatid na bago tuluyang ipasok ng kulungan si Ayque ay nagpaalam muna ito sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan. Joy Cantos
14 tiklo sa illegal fishing
BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng 14-katao makaraang maaktuhang gumagamit ng dinamita sa pangingisda kamakalawa ng umaga sa karagatang sakop ng Barangay Tibaguin sa bayan ng Hagonoy, Bulacan. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Edgardo Caballer, Rolly Menterola, Jaime Salut, Fernando Caballero, Bobby Andoyo, Edwin Caballero, Joey Castillo, Edwin De Lima, Zosimo Dacalyos, Artemio Lapore, Fernando Penaranda, Christopher Nungay, at si Darwin De Lima, na pawang residente ng Brgy. Sipac sa bayan ng Pitong Gatang, Navotas City. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Myrna Reyes, hepe ng pulisya sa bayan ng Hagonoy, kinumpiska ang dalawang bangkang de-motor na may tatak na Reizell Antonette at Hermana na pag-aari nina Fernando Caballero at Artemio Lapore maging ang ilang dinamita, electronic fish-finder. Dino Balabo