MANILA, Philippines - Isang pastor ang inaresto ng pulisya matapos idawit sa kasong pagpatay sa kanyang asawa na natagpuan ang nagsisimula nang maagnas na bangkay sa isang lugar sa Sitio Cantipla, Barangay Tabonan, Cebu City kamakalawa.
Kasalukuyan ngayong isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang suspek na si Pastor Leonardo Jastiva, presidente ng International Missionary Society of Seventh-Day Adventist Church Reform Movement.
Sinisiyasat ng pulisya ang posibilidad na may kinalaman si Jastiva sa pagkakapaslang sa kanyang misis na si Judith na naunang inireport ng suspek na kinidnap umano ng mga armadong tao noong nakaraang linggo kung saan ay ikinadena pa siya ng mga ito.
Pero natuklasan ni Senior Inspector George Ylanan, hepe ng Investigation Detective and Management Branch ng Cebu City Police, na pag-aari ni Jastiva ang dalawang cellphone na gamit ng mga kidnapper.
Batay sa awtopsiya sa bangkay ni Judith, may anim na araw nang patay ang biktima bago natagpuan ang bangkay nito na ang ulo ay hininalang pinalo ng matigas na bagay at maraming pasa ang mukha nito.
Balak sanang hingan ng affidavit ng mga imbestigador si Jastiva kaugnay sa kaniyang akusasyon na ang karibal niya sa relihiyon ang responsable sa pagkidnap sa kaniyang asawa pero umiwas ito.
Nagulat na lamang ang lahat ng malamang patay na ang kaniyang misis at nagsisimula na itong mabulok.