MANILA, Philippines - Alitan sa relihiyon ang sinasabing isa sa pangunahing motibo sa pagdukot sa isang 39-anyos na misis noong Lunes ng gabi sa bisinidad ng Barangay Labangon, Cebu City, Cebu.
Sa regional police report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Judith Jastiva, 39, isang reflexologist.
“Jastiva was kidnapped, the initial motive is religious conflict . He doesn’t believe it is a kidnap for ransom case,” pahayag ni P/Senior Supt. Patrocinio Comendador, Jr., Cebu City police director.
Nabatid na ang grupo ng relihiyon na sinasabi ni Leonardo ay kumalas sa kanilang relihiyon noong 1951 at nagtayo ng reform group.
Base sa police report, naganap ang insidente matapos na harangin ang motorsiklo kung saan kaangkas ang biktima at asawa nitong si Leonardo Biljod Jastiva Sr., 42, ng Brgy. San Isidro, Talisay City, Cebu.
Umabot sa 30-minuto bago makahingi ng tulong si Leonardo sa isang motorista at naipagbigay-alam sa pulisya.
Napag-alamang si Leonardo ay naitalaga sa Cebu noong 1996 bilang lider mula sa Dipolog City at naging nationwide president ng International Missionary Society of Seventh Day Adventist Church Reform Movement.
Walang nagawa si Leonardo matapos tutukan ng baril ng mga suspek na sakay ng kulay asul na Mitsubishi Lancer kung saan ikinadena pa siya sa motorsiklo gamit ang kadena ng aso.
Samantala, sa pakikipag-usap naman ni P/Senior Insp. George Ylanan, sa pangulo ng karibal na relihiyon ng dalawa, na gawa-gawa lamang ng mag-asawa ang kidnapping.
Nabatid din na maaaring manirahan ang mga lider ng nasabing rehiyon sa New Zealand sakaling may pagbabanta sa kanilang buhay.
Umaasa naman si Leonardo na mapapalaya ang kanyang asawa dahil hinihintay na sila sa New Zealand.
Gayon pa man, pansamantalang hindi muna tinukoy ang mga kidnaper habang patuloy ang operasyon ng mga awtoridad laban sa grupo. Joy Cantos