ILOILO CITY – Masusing minomonitor ng mga tauhan ng lokal na ahensya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulis-Passi ang bagong istilo ng sindikato ng droga na ginagamit ang bultu-bultong ukay-ukay para maipuslit ang bawal na gamot.
Ito ay matapos makadiskubre nang 150 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa panindang punda ng unan na nakahalo sa iba pang household linen mula sa ukay-ukay.
Sa salaysay ng vendor na si Evelyn Palomaria ng Barangay Man-it na inakala niyang herbal medicines lamang ang nakitang mga dahon at kinalaunan ay nagsuspetsa siya sa kakaibang amoy kaya ipinagbigay alam niya sa kinauukulan hanggang sa kumpirmahin ng pulisya na marijuana ang mga ito.
Nang imbestigahan sa presinto, sinabi ni Palomaria na nakuha nila ang supply ng mga ukay-ukay noon pang Lunes mula sa isang alyas John Ko ng Mandurriao District at kahapon lang binuksan matapos maubos ang mga paninda nito.
Sinabi naman ni P/ Supt. Mariano Palmes, Passi police director, na hindi sasampahan ng anumang kaso si Palomaria dahil tiyak na hindi para sa kanya ang nakuhang marijuana.
May teorya ang pulisya na sinusubukan ng sindikato kung saan ligtas na idaan ang kanilang kontrabando dahil hindi gaanong sinusuri ang saku-sakong ukay-ukay sa mga pantalan.