Mga pulis ginawang guro sa Zamboanga

Pansamantalang gina­wang mga guro sa elemen­tary school ang ilang pulis sa Brgy. Landang Gua, Sa­col Island, Zamboanga City matapos na dukutin ng mga bandido ang tatlong guro sa karagatan ng nasabing isla noong Enero 23.

Napag-alamang matindi ang takot ng mga guro kaya tumanggi munang magsi­pagturo bunsod ng patuloy na kidnapping threat ng mga bandido sa kanilang hanay.

Ayon kay P/Senior Supt. Angel Sunglao, ilang pulis na nagtapos ng education course, ang pansaman­ta­lang hahalili sa mga bihag na sina Janette delos Reyes, Freirez Quizon at Rafael Mayonada.

Nabatid na ang tatlong guro ay hawak ng mga ban­didong Abu Sayyaf Group at Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades na pi­na­mumunuan nina Com­man­der Bud Abu at Usman Lidjal.

Sa kaniyang pagbisita sa isla, tiniyak ni Sunglao sa mga guro na ginagawa ng pu­­lisya ang lahat ng maka­kaya para mapalaya ang tatlo nilang mga kasama­hang guro.

Samantala, patuloy na­man ang pag-apela ng pa­milya ng mga bihag na pala­yain ang mga ito dahil wala silang pambayad sa P6 milyong ransom demand ng mga kidnaper.

Magugunita na ang tat­long guro ay dinukot mata­pos harangin ang pampasa­herong bangka na sinasak­yan ng mga ito noong Enero 23 sa karagatang sakop ng Manicahan sa Sacol Island ng Zamboanga City. (Joy Cantos)

Show comments