Muli na namang nagpakita ng bangis ang mga rebeldeng New People’s Army matapos sunugin ang isang cell site ng Globe Telecommunications sa panibagong paghahasik ng karahasan sa bayan ng Lucban, Quezon kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Army’s 2nd Infantry Division Spokesman Lt. Frank Sayson, dakong alas – 4:40 ng hapon nang lusubin ng anim na armadong rebelde ang cell site ng Globe sa Brgy. Nalunao, Lucban.
Walang nagawa ang nag-iisang guwardiya dito matapos na tutukan ng baril kung saan sapilitang pinabuksan ng mga rebelde ang gate ng compound ng nasabing Globe cell site.
Sinabi ni Sayson na nang makapasok sa loob ay agad na binuhusan ng gasolina ng mga rebelde ang kagamitan sa komunikasyon saka sinilaban hanggang sa maabo.
Pinaniniwalaan namang pangingikil ng revolutionary tax ang motibo ng pag-atake ng mga rebelde. (Joy Cantos)