Upang mapalapit sa tao at hindi na mahirapan pang lumuwas sa Maynila, nagbukas kahapon ang Bureau of Immigration (BI) ng pang-anim na satellite office sa Cabanatuan City.
Ayon kay BI Commisisoner Marcelino Libanan, dinaluhan ang nasabing okasyon ng ibat-ibang opisyal ng Cabanatuan city sa pangunguna ni Mayor Alvin Vergara, Vice-Mayor Mariues Garcia at iba pang opisyal mula sa gobyerno at pribadong sektor.
Nabatid na nagkaroon ng memorandum of agreement si Libanan at Vergara kung saan nakasaad na magkakaroon sila ng pagtutulungan sa pamamahagi ng impormasyon upang mahikayat ang mga dayuhan sa kanilang lugar na sumunod sa immigration law.
Layunin umano ng bagong satellite office na maging accessible sa mga dayuhan na naninirahan sa Cabanatuan at sa mga karatig lalawigan sa Central Luzon.
Ito ay dahil sa napuna umano ni Libanan na nitong nakaraang taon ay tumaas ang bilang ng mga dayuhan sa Central Luzon kabilang dito ang mga turista at investors na pumapasok sa negosyo upang makapagbigay ng trabaho at mapagkakakitaan sa mga residente dito.
Idinagdag pa ni Libanan na ang mga dayuhan na malapit sa Cabanatuan ay hindi na magbibiyahe pa ng matagal patungo sa Maynila o sa Clark at Subic upang mag-proseso ng kanilang mga papeles.
Nauna nang magbukas ng BI satellite office sa mga lugar ng Taytay, Rizal, Sta. Rosa Laguna, Caloocan City at sa Chinatown mall sa Parañaque City. Maglalagay rin ang BI ng tanggapan sa Quezon City. (Butch Quejada)