ILAGAN, Isabela – Sinibak sa puwesto ang hepe ng pulisya na nakabase sa bayan ng Ramon, Isabela dahil sa magkasunod na pagkamatay ng dalawang opisyal ng barangay sa kanyang nasasakupan.
Hinirang bilang bagong hepe ng pulisya si P/Insp. Marlon Alejo na ipinalit kay P/Senior Insp. Rogelio Taliping na sinasabing nabigong maresolba ang pagpatay kina Chairman Freedie Manuel ng Barangay Pabil at Chairman Loreto Millanes ng Barangay Nagbacalan sa bayan ng Ramon noong Disyembre 2008.
Matatandaan na si Chairman Manuel, executive assistant for barangay affairs ni Mayor Wilfredo Tabag ay napaslang habang pauwi noong Dec. 9 at nasundan pa ni Chairman Millanes na pinagbabaril naman habang nakikipaglibing kay Manuel.
May teorya naman si P/Senior Supt. Dominador Aquino, na iisang grupo ang pumaslang sa dalawang opisyal ng barangay.
“(Taliping’s relief) is part of our efforts to solve these cases. Also, we don’t want any repeat of such incidents. We want a new perspective in our ongoing investigation over these matters, (that’s why) we assigned a new police chief there,” paliwanag ni Aquino. Victor Martin