Naudlot ang takdang pag-proklama ng Commission on Elections (Comelec) kay Lakas Mayor David Emralino ng Candelaria, Quezon. Sinabi ni Emralino sa isang presscon sa Quezon City na bagamat naatasan na ng Comelec Manila noong Oktubre 2008 ang Quezon Provincial Comelec na iproklama si Emralino bilang nanalong kandidato sa pagka-alkalde ng Candelaria noong 2007 local elections, hindi ito natuloy dahil sa kapabayaan umano ng mga hukom sa lalawigan.
Si Emralino ay nagsampa ng election protest sa Comelec noong 2007. Umaabot sa 215 precints ang Candelaria, 89 na presinto ay hindi pinasama ng Comelec sa recounting dahil sa umano’y iregularidad at dayaan. Sa 126 precints, lumalabas umano na panalo si Emralino ng botong 1,700 laban sa kasalukuyang umuupong Mayor na si Bong Maliwanag. Sinabi ni Emralino na ang pagkakaantala ng pagproklama sa kanya ay kabiguan na mabigyan siya ng hustisya kaugnay ng naisampa niyang electoral protest. (Angie dela Cruz)