ILOILO CITY – Pinutol ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ang pagbibigay ng financial assistance sa tanggapan ng Provincial Prosecutors kung saan kahina-hinalang naibabasura ang mga kasong may kaugnayan sa droga na nadiskubre at lumutang ang dalawang pangalan ng dalawang piskal na sinasabing nasa payola ng big time drug pusher na nasakote ng mga awtoridad noong Hunyo 2008.
Sa liham na ipinadala ni Provincial Administrator Manuel Mejorada kay Provincial Prosecutor Bernabe Dusaban noong Enero 9, 2009, sinabi nito na pinuputol na ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ang pagbibigay ng P1.7 milyong annual financial assistance dahil sa pagkadismaya ng mga opisyal ng pulisya na naibabasura lamang ang mga kasong droga at ilang piskal ang nagbibigay ng proteksiyon sa mga personalidad sa naturang probinsiya na sangkot sa kaso ng droga.
Sinasabing unang nakita ang mga pangalan at cellphone numbers ng dalawang piskal sa nakumpiskang pitaka ng dalawang drug pusher na si O’Henry Caspillo at Rolly Tiope matapos na magsagawa ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at lokal na pulis noong Hunyo 2008.
Nakuha mula sa pitaka ni Caspillo ang isang maliit na papel na nakasulat dito ang pangalan ng dalawang piskal at kontak number, ilang sachet ng shabu, baril at salapi.
Ayon pa sa liham, ipinagtataka ng mga awtoridad kung bakit ibinasura ng provincial prosecutor ang apat na kaso ng droga laban kay Caspillo dahil ang mga ito ay itinuturing na non bailable cases at ang pinakamahinang kaso lamang ang isinampa laban sa mga suspek.
Habang ang kasong droga din laban kay Tiope ay ibinasura ni Dusaban matapos na ito ay masakote na may dalang droga sa isang checkpoint.
“This is a matter of grave concern because the discovery about the names of these prosecutors and their cell phone numbers raises the possibility of protection being given him (Caspillo),” pahayag ni Mejorada sa kanyang liham, subalit hindi naman isiniwalat ang mga pangalang ng dalawang piskal.
“We are afraid that the campaign against illegal drugs will get nowhere because of this seeming predisposition of the Provincial Prosecutors Office to dismiss illegal drug cases,” dagdag pa ni Mejorada.
Gayon pa man, sinabi ni Dusaban na tiyak na mapaparalisa ang operasyon ng kanilang tanggapan dahil ang pondong nagmumula dito ay ginagamit na pambili ng kanilang office suppllies at pinagkukunan ng transportation allowance ng mga kawani.
Itinanggi din ni Dusaban ang nabanggit na alegasyon ni Mejorada at sa katunayan aniya mula 2003 hanggang December 2008 ay mayroong 209 kaso ng droga ang naisampa sa kanyang tanggapan at 193 dito ang kanilang naisulong sa korte habang 23 naman ang naibasura.
Hinamon din ni Dusaban si Mejorada na pangalanan ang nasabing dalawang piskal at ibigay sa kanya ang cell phone numbers ng mga ito upang matukoy.
“That’s so unfair, they should have divulged the names, and every allegation they make should be made under oath,” paliwanag pa ni Dusaban.
Sinabi pa ni Dusaban na susulatan at iaapela nila kay Governor Niel Tupas na ikonsedira ang nasabing desisyon.