Hindi na nakadalo sa pakikipaglamay at pakikipaglibing ang mag-utol na lalaki makaraang karitin ni kamatayan habang 22 iba pa ang iniulat na nasugatan makaraang sumalpok sa poste ng kuryente ang sinasakyang jeepney sa gilid ng highway sa bayan ng Matina, Davao City kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang mag-utol na sina Alejandro Jatico, drayber ng jeepney at ang utol nitong si Leodigario Jatico.
Kabilang naman sa mga nasugatan at nasa kritikal na kondisyon ay ang pitong menor-de-edad.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sakuna sa kahabaan ng Shrine Hills sa Matina District sa bandang alas -9 ng umaga.
Nabatid na patungong bayan ng Matanao, Davao del Sur ang mga biktima upang makipaglibing sa yumaong kamag-anak nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber nang sumapit sa pataas at kurbadang bahagi ng highway.
Tuluy-tuloy na sumalpok sa poste ng kuryente ang jeepney na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima. (Joy Cantos)