PANGASINAN – Naging palaisipan sa mga imbestigador ng pulisya ang naganap na pamamaslang sa mag-asawang matanda na natagpuan sa loob ng kanilang tahanan noong Lunes ng madaling-araw sa Barangay San Alejandro sa bayan ng Sta.Maria, Pangasinan. Ang mag-asawa na kapwa may malalim na sugat sa ulo at pinaniniwalaang tatlong araw nang patay ay nakilalang sina Antonio Corpuz Sr., 70; at Felina Corpuz, 73. Hinihintay ng pulisya ang pagdating ng mga anak ng mag-asawa para maimbentaryo ang mga personal na gamit. (Cesar Ramirez)
Mag-ama dedo sa dinamita
Isda ni kamatayan ang nabingwit ng mag-amang mangingis da makaraang masabugan ng dinamita habang namamalakaya sa karagatan ng Carles, Iloilo kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Dominador Lauron, 48; at anak na si Alfie, 23, kapwa residente ng Barangay Lantangan sa bayang nabanggit. Sa ulat ng pulisya, umaabot na sa 15 mangingisda sa Barangay Lantangan, ang namamatay dahil sa paggamit ng dinamita sa pangingisda simula pa noong Disyembre 2008. (Joy Cantos)
Anak napagalitan, nagbigti
Isang 18-anyos na dalaga na sinasabing napagalitan ng kanyang ama dahil sa pag-alis nang walang paalam ang iniulat na nagbigti sa loob ng kanilang tahanan sa Zone 3, North Ba luarte, Barangay Molo sa Iloilo City, Iloilo kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Jennylyn Jagolino, na natagpuang nakabitin bandang alas-5 ng umaga. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na hindi naibigan ng ama ng biktima ang palagi nitong pag-alis ng walang paalam na madalas na gumi-gimmick kasama ang kaniyang mga kabarkada. Makalipas ang ilang oras ay nakita na lamang si Jagolino na nakabigti gamit ang safety belt sa loob ng kanilang tahanan. (Joy Cantos)
Australian trader pinatay
ILOILO CITY – Isang Australian trader ang iniulat na pinaslang makaraang pagnakawan ng mga maskaradong kalalakihang tumangay ng P1.2 milyon kahapon ng madaling-araw sa Barangay Pili sa bayan ng Ajuy, Iloilo. Dalawampu’t isang saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Werner Holz, 71, at sinasabing retiradong Australian police. Ayon kay P/Senior Supt. Ricardo dela Paz, provincial police director, hindi naman sinaktan ang asawa ng biktima na si Vivian Posadas- Holz matapos itong igapos. Nagawa namang matangay ng mga nagsitakas na suspek ang P 500,000, US$ 5,000, at P 800,000 iba’t ibang uri ng mga alahas atbp. (Ronilo Pamonag)