Pinagsasaksak hanggang sa mapaslang ang isang 40-anyos na misis ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan habang nakamasid ang kanyang tatlong anak sa loob sa kanilang tahanan sa Castilex Road, Cabancalan, Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, nakilala ang biktima na si Maria Jocelyn Mendoza, na nasawi sa tinamong limang malalalim na gilit ng patalim sa leeg.
Nabatid sa police report na ang mister ng biktima na si Elmer Mendoza ay OFW sa New Zealand kung saan ang mag-iina ang magkasama sa bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakita pa mismo ng 8-anyos na anak na babae ng biktima ang mga kawatan na umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.
Niransak ang master’s bedroom at kinuha pa ang pinagbentahan sa sari-sari store ng mga biktima sa unang palapag
Narekober ang duguang unan na ginamit pantakip sa mukha ng biktima matapos rumesponde ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagising ang bunsong anak na babae ng biktima dahil sa komosyon sa kanilang sala at nakita pa nito ang mga suspek habang papasok sa master’s bedroom.
Sinundan pa ng bata ang mga kawatan sa ikalawang palapag at nang makita niya ang mga itong pumasok sa kanilang sari-sari store ay muli itong umakyat sa taas at ginising ang kaniyang dalawang utol.
Nang bumaba ang magkakapatid ay nakaalis na ang mga kawatan subali’t patay na ang kanilang ina. (Joy Cantos)