Lipa City, Batangas — Umaabot sa 15 katao ang nasugatan nang magbanggaan ang isang pampasaherong bus at cargo truck sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road Tollway sa lungsod na ito kahapon ng umaga.
Ayon kay Al Ocfemia, security supervisor ng Star Tollway, kapwa binabagtas ng RRCG Bus Lines at isang 10-wheeler cargo truck ang highway patungong Batangas City nang magkabanggaan sa kilometer 77 sakop ng Barangay Pusil bandang alas-6:10 ng umaga.
Bigla umanong umobertake ang RRCG bus na minamaneho ni Isidro Ramos sa cargo truck na nasa harapan nito na minamaneho naman ni Agapito Dela Cruz nang mawalan ng control ang bus at bumangga sa likurang bahagi ng ten-wheeler truck.
Wala namang naiulat na nasawi o grabeng nasaktan sa nasabing insidente. (Arnell Ozaeta)