Malagim na kamatayan ang naging Bagong Taon ng apat na mag-aama makaraang ratratin ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga napaslang na sina Renato Hongko at mga anak nitong sina Isaias, Lino, at Jasper Hongko na pawang residente ng Barangay Imbak sa bayang nabanggit.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sinasabing pinasok ng mga armadong rebelde ang tahanan ng mag-aama, pasado alas-7 ng umaga kahapon.
Itinaong nag-aalmusal ang mga biktimang saka pinagbabaril ng mga rebelde bago nagsitakas patungong balwarteng teritoryo ng MILF rebels.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na trahedya upang mabigyang hustisya ang apat na mag-aama.
Samantala, kung hindi kikilos ang pamahalaan para pigilan ang mga pag-atake ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front laban sa mga sibilyan, posibleng muling sumiklab ang giyera sa North Cotabato at sa iba pang bahagi ng Mindanao.
Ito ang sinabi ni Cotabato Vice Governor Manny Pinol sa kanyang ipinalabas na statement noong Linggo, kasunod ng mga pag-atake ng MILF sa dalawang bayan sa nabanggit na lalawigan.
Kabilang sa mga bayang sinalakay ng grupo nina MILF Kumander Kid at Kagui Bayan noong Linggo ay ang bayan ng Tulunan, Alameda, Banisilan at ang bayan ng M’Lang sa North Cotabato na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo-katao na mga naninirahan sa Sitio Pedtad sa Brgy. Lipaga, M’Lang.
Hinamon din ni Pinol ang mga peace advocates sa Mindanao na i-dokumento nila ang mga pangha-harass ng MILF sa mga sibil yan, tulad ng nangyari sa bayan ng Tulunan at sa Banisilan.