ANTIPOLO CITY, Rizal – Nahaharap sa kasong physical injuries at child abuse, ang isang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, anak nitong alkalde at limang bodyguard kaugnay sa panggugulpi sa mag-ama sa Valley Golf and Country Club sa Barangay Munting Dilaw sa Antipolo City, Rizal.
Kinilala ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, provincial police director, ang mga suspek na sina DAR Sec. Nasser Pangandaman, anak nitong si Marawi City Mayor Angel Pangandaman at ang mga alalay na sina Paisar Abdulala, Muhammed Hussien, Abdan Pacasuna, Rene Malaque at si Arnel Astacio.
Ang mga suspek ay inireklamo at kinasuhan nina Delfin dela Paz, 56, negosyante at anak nitong si Bino Lorenzo, 14, kapwa naninirahan sa Town and Country Subdivision sa Barangay Mayamot.
Samantala, nakatakda namang magsampa ng kasong libelo si Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman Sr. at anak na Nasser Jr. laban kay Delfin dela Paz dahil sa malisyosong sinabi nito sa media laban sa kanila at bukod pa ito sa hiwalay na kontra demanda na physical injuries na naunang isinampa sa Antipolo PNP ng alkalde. (Edwin Balasa at Danilo Garcia)