DAVAO CITY – Inaprobahan ng Department of Justice ang pagpapalaya sa dating brodkaster na nakulong sa Davao Prison and Penal Farm sa kasong libelo na isinampa ni Rep. Prospero Nograles sa Davao City Regional Trial Court may ilang taon na ang nakalipas.
Sa direktiba na nilakdaan ni Undersec. Oscar Calderon ng Bureau of Corrections na inaprobahan ni Justice Sec. Raul Gonzalez, personal na inihatid ni National Press Club President Benny Antiporda sa opisina ni Supt. Venancio Teroso ng Davao Prison and Penal Farm upang masiguro na si Alexander Adonis ay makakapiling ang kanyang pamilya sa Kapaskuhan.
Kabilang sa mga preso na lumayang kasabay ni Adonis ay sina Angelito Cavite, Richard Laurito, Angelo Natonio, Minard Pequit, Roy Polenio, Ramil Portas at si Resalito Tachado. Si Adonis na dating kawani ng Bombo Radyo Cagayan de Oro ay nahatulan ng apat na taong pagkakulong ng mababang korte dahil sa kontrobersyal na kasong libelo na isinampa ng nabanggit na kongresista kaugnay sa isyung Burlesk King na isinasahimpapawid sa pang-araw-araw sa radyo programa.
Inamin naman ni Adonis sa kanyang abogado na wala siyang matibay na ebidensya para panindigan ang alegasyon laban kay Rep. Nograles kaya napilitan itong magsampa ng kaso sa korte upang linisin ang kanyang pangalang at reputasyon particular na ang dangal ng kanyang pamilya kaugnay sa misteryosong bumabalot na nabanggit na isyu.