Laruang granada natagpuan sa simbahan

KIDAPAWAN CITY – Dalawang laruang granada na kinabitan ng mga kawad ng kuryente ang natagpuan ng mga pulis sa loob ng isang simbahang Katoliko sa Ca­r­men, North Cotabato kaha­pong alas-11:00 ng umaga.

Ayon sa imbestigador na si SPO2 Teng Dimapalao, halatang pananakot lang ang motibo sa pag-iwan ng natu­rang mga laruan.

Sa biglang tingin, ayon sa pulis, ‘di mapapansin na peke pala ang mga granada. 

“Mukha itong totoo. Pero nang kunin ko at hawakan, na­pansin ko na magaan. Kaya nagduda na ako,” ani Dimapalao.

Para magmukhang to­too, kinabitan ito ng pulang ka­wad ng kuryente at iki­nabit sa isang bag.

Iniwan ang naturang mga bagay sa loob mismo ng Immaculate Concepcion Cathedral sa may Poblacion, Car­men na ‘di kalayuan sa Car­men-Bukidnon highway.

Ang Simbahan ay ilang metro lang ang layo mula sa headquarters ng 602nd Infantry Brigade.

Maging ang bayan ng Car­men ay nasa heightened alert na rin pagkatapos ma­ga­nap sa Iligan City ang da­lawang su­nud-sunod na pagsabog na kumitil ng tatlo katao at ikinasugat ng 47 iba pa.

Noong Biyernes ng ha­pon, isa pang improvised explosive device ang iniwan ng dalawang tinedyer sa isang panadera sa Iligan City. Ang bomba ay gawa sa bala ng 81-mm mortar na ikinabit sa isang relo bilang triggering device. (Malu Cadelina Manar)

Show comments