Binaril at napatay ang kolehiyalang anak ng kanyang ama bago nag-suicide naman ang huli sa naganap na panibagong trahedya sa bayan ng Bugallon, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Nasapol sa ulo ng bala ng baril ang nag-iisang dalagang anak na si Ayessa Navarro, 4th year College student at ang ama na nagbaril din sa ulo ay nakilalang si Dominador Navarro Reyes, negosyante at kapwa naninirahan sa Brgy. Cayanga.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen dakong alas-9 ng gabi sa tahanan ng mag-amang Navarro.
Sa pahayag ng mga kapitbahay ng mag-ama, narinig nilang nag-aaway ang dalawa na humantong sa pagsisigawan kung saan umalingawngaw ang dalawang putok ng baril.
Nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang bahagi ng ulo ang dalaga at idineklarang patay sa Trauma Center sa Dagupan City.
Matapos mabaril ang anak ay nagpakamatay din ang ama sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang ulo.
Patuloy naman masusing pagsisiyasat ng pulisya. Joy Cantos