Mag-asawa, 5 anak nalason sa palaka

Kasalukuyang nasa os­pital ang mag-asawa at lima nitong anak maka­raang malason sa iniulam na palaka kamakalawa ng gabi sa bayan ng  Malitbog, Bukidnon.

Kabilang sa mga bik­timang naisugod sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City ay ang mag-asawang Joe at Joceyln Mandugo at mga anak na sina Donato, 11; Jordan, 8; Richard, 7; Baby Jane, 4; at Jovy, 2.

Batay sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, nabatid na kawalan ng pambili ng ulam  ay nanghuli ng palaka sa bukid ang ama na kanilang ihahapunan.

Gayon pa man, ma­ka­lipas  lamang ang ilang oras matapos kumain ng karne ng palaka ay naka­ranas ang mga biktima ng pananakit ng ulo at tiyan, pagsusuka at pagkahilo kaya nagpasaklolo sila sa ilang kapitbahay na ma­isugod sa ospital. 

Pinaniniwalaan namang hindi palakang bukid kundi ang tinatawag na hawaian frog na may lason ang naiulam ng mga biktima. Joy Cantos

Show comments