CAMP VICENTE LIM, Laguna – Maagang nagwakas ang serbisyo ng isang bagitong pulis matapos mapatay ng kapwa niya pulis sa loob ng kanilang barracks sa bayan ng Pagsanjan, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, ang napaslang na si PO1 Hubert Cortez, 31, ng Cabuyao, Laguna at nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa Pagsanjan.
Samantala, nahaharap naman sa kasong homicide at administratibo ang suspek na si PO1 Romeo Enconado, 34.
Ayon sa ulat, lumilitaw na natutulog si PO1 Cortez sa kanilang barracks sa Police Assistance Center Base 1 sa Barangay San Isidro nang dumating at nagkakatok sa nakasaradong pinto si PO1 Enconado bandang alas-10:15 ng gabi.
Naalimpungatan naman si PO1 Cortez at kinompronta si PO1 Enconado hanggang sa magkabarilan.
Kapwa isinugod sa Laguna Provincial Hospital, ang dalawa pero idineklarang patay si PO1 Cortez saman talang nanganganib namang maputulan ng kamay si PO1 Enconado matapos tamaan ng bala ng M16 rifle.
Agad namang sinibak ni P/Supt. Labador ang hepe ng Pagsanjan PNP na si P/Senior Insp. Rolando Vasquez at pinalitan ni P/Senior Insp. Rolando Ildefonzo.
Initusan din ni Labador ang lahat ng baguhang pulis sa Pagsanjan para sumailalim sa retraining, refocusing at reorientation upang maiwasang maulit ang insidente. (Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos)