Tinatayang aabot sa 50 miyembro ng grupong Abu Sayyaf ang iniulat na napaslang habang lima naman sa panig ng Phil. Marines ang nasawi makaraan ang madugong sagupaan sa liblib na bahagi ng Barangay Kaili sa bayan ng Al Barkah, Basilan kamakalawa.
Ayon kay Marine Commandant Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, alas-8 ng umaga nang lusubin ng Marine Battalion Landing Team sa pamumuno ni Lt. Col. Elmer Estilles, ang pinagkukutaan ng mga bandidong Abu Sayyaf na pinamumunuan nina Kumander Furuji Indama at Kumander Nurhasan Jamiri.
Ang madugong sagupaan ng Phil. Marines at mga bandidong Sayyaf ay isinabay sa laban ng Filipino boxing champ na si Manny “Pacman” Pacquiao at Mexican-American boxer Oscar “Golden Boy” de la Hoya sa Las Vegas, Nevada, USA.
Nabatid na ang grupo ni Indama at Jamiri ay may hawak sa mga kidnap victim kabilang sina April Nicole Raveche Tejada, Joel at ang pitong kawani ng gravel and sand.
Umabot naman sa 25 sundalo kabilang ang piloto ng OV10 bomber plane na si Capt. Francis Vergara ang iniulat na nasugatan sa magkahiwalay na sagupaan ng tropa ng militar at mga bandidong Abu Sayyaf Group sa araw mismo ng laban nina Pacman at de la Hoya kung saan tumagal hanggang alas-5 ng hapon bago nagsagawa ng clearing operations ang militar.
Samantala, ayon kay Dolorfino, ay sumiklab din ang labanan sa pagitan ng tropa ng Phil. Marines at mg bandido sa bisinidad ng Barangay Tungol, Patikul, Sulu kasama ang tropa ng Philippine Army na tumagal ng dalawang oras.
Umabot lamang sa dalawang sundalo ng Philippine Army at sampu naman sa Phil. Marines ang iniulat na nasugatan habang marami ang nalagas sa mga tauhan ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron na pinaniniwalaang pinakamataas na lider ng mga bandido na may P5 milyong reward.
Samantala, napilitan namang magsilikas ang ilang residente sa takot na madamay sa patuloy na bakbakan. (Joy Cantos)