CAVITE– Tulala pa rin at nanginginig sa takot ang isang 30-anyos na dalaga matapos na masaksihan ang ginawang pagpatay ng isang lalaki sa kanyang ina na pinagbabaril sa ulo habang sila ay nasa loob ng kanilang sasakyan. Kritikal ang kanilang driver na pinagbabaril din habang pababa na sana sila sa kanilang sasakyan sa Andrea Village, Barangay Panapaan 1, Bacoor Cavite, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Bacoor Police Chief Supt. Mario Reyes ang biktima na agad namatay na si Ester Leonardo, 60-anyos, may asawa, negosyante at residente ng Andrea Village habang malubha naman ang driver nito na si Jonathan Diaz 28, at residente ng Talaba 2 ng bayan ding ito.
Ligtas naman ang anak nitong dalaga na pansamantalang hindi pinabanggit ang pangalan para sa kaligtasan nito. Dalawang lalaki naman na nakasumbrero ang suspek na mabilis na tumakas sakay ng isang Yamaha MIO Motorcycle.
Pababa sa kanilang sasakyan ang matandang Leonardo nang lumapit ang isa sa mga suspek at tinanong ito kung ano ang kanyang pangalan. Nang sumagot ang biktima, agad siyang binaril sa ulo ng salarin. Pinagbabaril din ang driver nito habang natulala naman ang anak ng negosyante. (Cristina Timbang)