CAMP VICENTE LIM, Laguna – Apat sa anim na kalalakihan ang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng mga ibong Myna at iba’t ibang hayop sa karagatang sakop ng Barangay Panipian, Quezon, Palawan kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga kinasuhan sa paglabag sa Republic Act 9147 ay sina Ruben Palatino, Ruben Gadiano, Randy Factor at Dennis Bundol, pawang mga residente ng Taytay, Palawan.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Nilo Anzo, Palawan police director, nagsasagawa ng sea patrol operation ang pinagsanib na elemento ng Palawan police at ng Bantay Dagat malapit sa isla ng Tagolangog nang mamataan ang mga suspek na nagkakarga ng mga kahon sa bangkang M/B Rolyn bandang alas- 2:30 ng hapon.
Subalit bago pa sila makalapit, biglang nagpulasan ang grupo ng kalalakihan at kanya-kanyang bitbit ng mga kahon ng Myna at nagsitakbo patungong magubat na parte ng isla.
Gayon pa man, nasukol ang apat sa anim na kalalakihan at makumpiska sa mga ito ang 20 kahon na may 300 Myna, isang Palawan bear cat at 3 musang na maituturing na mga endangered species. (Arnell Ozaeta)