RIZAL – Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus holdaper na iniulat na nasawi makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad sa naganap na magkahiwalay na shootout sa lalawigan ng Rizal kamakalawa.
Ayon kay P/Chief Insp. Marlon Santos ng Rizal CIDG, naunang napatay si Christian Reyes ng Sitio Painuman, Brgy. Inarawan matapos makipagbarilan sa pulisya sa kahabaan ng Marcos Highway sa Sitio Padilla, Antipolo City.
Tugis naman ng mga awtoridad ang dalawang iba pang kasamahan ni Reyes na bumibiktima ng mga pasahero ng jeepney na may rutang Cogeo-Paenaan
Samantalang si Antonio Pablo, 37, ng Brgy. Geronimo, Rodriguez, Rizal, ay napatay ng pulisya sa bahagi ng Barangay Gitnang Bayan, San Mateo, Rizal. Napag-alamang si Pablo ay lulan ng motorsiklo (ZM-1121) nang tumangging huminto sa PNP checkpoint kaya hinabol ng pulisya.
Sumemplang ang motorsiklo ni Pablo subalit nakuha pa nitong makipagbarilan sa pulisya hanggang sa mapatay.
Sa beripikasyon ng pulisya, lumilitaw na ang motorsiklong dala ni Pablo ay kinarnap at pag-aari ni Zherna Revidad. Edwin Balasa