Umaabot sa 105 mag-aaral ang nalason makaraang kumain ng sari-saring uri ng kending kontaminado ng bacteria na itinapon sa tabing kalsada sa bayan ng Mankayan, Benguet noong Biyernes.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Fernando Botangen, chief of police ng Man kayan, bandang alauna ng hapon nang mapulot ng mga batang mag-aaral mula sa Pallatong Elementary School at Mankayan Elementary School, ang bulto ng mga kendi na pinaniniwalaang expired na.
Ayon kay Botangen, na aabot sa 11 sako ng kontaminadong kendi na ang ilan ay gawang lokal habang ang iba pa ay may Chinese markings ang itinapon sa kahabaan ng Mankayan-Abatan Road.
Pinaniniwalaang inakala naman ng mga biktima na inihagis ni Santa Klaus ang mga kendi dahil malapit na ang Kapaskuhan kaya pinulot ito at kinain.
Sa kasalukuyan ay inoobserbahan pa rin sa Benguet Hospital ang 14 pa sa mga mag-aaral habang ang iba ay pinauwi na kahapon ng umaga matapos na mabigyan ng pangunahing lunas.
Samantala, dadalhin naman sa Bureau of Food And Drugs Central Office, ang samples ng ibang uri ng kendi upang maisailalim sa pagsusuri. Joy Cantos