Naudlot ang pinakahihintay na pulot-gata ng isang most wanted na kriminal makaraang arestuhin ng pulisya sa mismong araw ng kaniyang kasal sa Dagupan City, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.
Sa inisyal na ulat ng Dagupan City PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si George T. Ibasco, alyas Kano ng Bgy. Luna, San Nicolas.
Si Ibasco ay nahaharap sa kasong frustrated murder at attempted homicide.
Napag-alamang habang ikinakasal si Ibasco ay nag-aabang naman sa labas ng simbahan ang mga pulis na naatasang umaresto.
Gayon pa man, paglabas sa simbahan ni Ibasco kasama ang kanyang misis matapos ang sagradong seremonya ng kasal ay agad itong pinosasan ng pulisya.
Inihayag naman ng mga awtoridad na posible pa ring matuloy ang honeymoon ni Ibasco at ang kanyang misis kung makapaglalagak ito ng P.2 milyong piyansa para sa kasong frustrated murder at P12,000 naman sa kasong attempted homicide. Joy Cantos