Dahil sa kakulangan ng pera na pambili ng gatas, isang sanggol na lalaki ang iniulat na nalasog ang kata wan makaraang ihagis ng kanyang ama mula sa mataas na gusali sa Brgy. Balzain, Tuguegarao City, Cagayan kahapon ng madaling-araw.
Nahaharap ngayon sa kasong infanticide ang ama ng sanggol na si Rustom Timtim, 18, isang estudyante sa Cagayan Colleges sa Tuguegarao City, na takot harapin ang responsibilidad sa anak.
Batay sa ulat ni P/Chief Insp. Edward Guzman na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-2 ng madaling-araw nang mamataan si Rustom na umakyat sa mataas na gusali habang bitbit ang nag-iiyak na sanggol.
Ayon sa ilang testigo, si Rustom ang naghagis ng sanggol na sinasabing isinilang ng kaniyang kasintahang si Julie Ann Ramos, 19, estudyante rin ng nasabing kolehiyo.
Ipinahayag ni Guzman, na may posibilidad na buhay pa ang sanggol nang itapon at nasawi ito matapos na tumama sa binagsakang lupa kung saan sasampahan nila ng kaukulang kaso ang magkasintahan.
Habang iniimbestigahan sa presinto, inamin naman ni Rustom sa pulisya na siya ang naghagis sa sanggol dahil hindi pa sila handang mamuhay at hindi nila kayang buhayin ang sanggol lalo’t sobrang taas ng presyo ng infant milk. (Joy Cantos)