Retiradong parak tinodas
PANGASINAN— Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang reteradong pulis makaraang pagbabarilin ng dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bahagi ng Barangay Esmeralda sa bayan ng Balungao kamakalawa ng umaga. Kinilala ang biktima na si ex-SPO4 Renato Manalo, 58, ng Barangay Poblacion at naging hepe ng investigation branch ng Balungao PNP. Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas na nagmomotorsiklo ang biktima habang kaangkas ang anak na babae nang harangin at ratratin. Hindi naman binanggit sa police report kung nasugatan ang anak ng biktima matapos ang insidente. (Cesar Ramirez)
Pulis nilikida ng NPA
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isa na namang alagad ng batas ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army sa loob ng bahay ng kanyang kaibigan sa Barangay Somal-ot sa bayan ng Casiguran, Sorsogon kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril si PO2 Cecil Jesalva Mape ng 508th Police Provincial Mobile Group. Base sa imbestigasyon, dakong alas-7 ng gabi nang bisitahin ng biktima ang kaibigang si Ma. Victoria Hapin hanggang sa mamataan ng mga rebelde at isinagawa ang pamamaslang. Tinangay ng mga rebelde ang baril ng biktima saka tumakas sakay ng motorsiklo. (Ed Casulla)
Trak hulog sa bangin: 2 lasog
ITOGON, Benguet – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa dalawang sibilyan makaraang mahulog ang isang 10-wheeler truck sa may 200 metrong lalim na bangin sa Ambuclao Road sa Itogon, Benguet kahapon. Sina Cadas ng Quezon City at Reynaldo Galangue ng Tondo, Maynila ay naipit ng truck na may kargang heavy equipment para gawin ang Binga Dam. Samantalang si Richard Adlawan na nagtamo ng leg fracture ay naisugod sa Baguio General Hospital and Medical Center. Sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng truck (RGA 827) ang Baguio-Nueva Vizcaya Road nang mawalan ng preno sa pakurbadang highway kaya nahulog sa matalik na bangin. “Posibleng hindi kabisado ng drayber ang mountain highway kaya nagkamali ng kalkula sa pagmaniobra ng trak sa pakurbadang highway,” pahayag ng imbestigador. (Artemio A. Dumlao)
2 konsehal pinabulagta
Dalawang konsehal ng barangay ang iniulat na pinatay makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa bayan ng Toboso, Negros Occidental kamakalawa. Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame unang niratrat ang 38-anyos na si Joel Gumban na nagmomotorsiklo sa kahabaan ng Brgy. San Isidro. Ilang oras pa ang nakalipas ay sumunod namang pinagbabaril si Basilio de la Torre matapos itong matiyempuhan sa pamilihang bayan ng Toboso. Bagaman sugatan sa hita ay nagawa pang makapagtago ni de la Torre sa coffee shop pero sinundan ito ng mga rebelde at tuluyang tinapos. (Joy Cantos)