TANAUAN CITY, Batangas – Dalawa sa tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na miyembro ng robbery/holdup gang ang naaresto ng pulisya makaraang holdapin ang ilang kawani ng eskuwelahan na magdideposito sana ng malaking halaga kamakalawa ng tanghali sa Tanauan City, Batangas. Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Ignacio Ponio, 28; at Andrew Basbas, 38, kapwa tubong Samar at naninirahan sa Navotas City.
Nakatakas naman ang isang kasabwat na nakilala lamang na Max habang sakay ng kulay pulang motorsiklo.
Sa ulat ni P/Supt. Willy Atun, Tanauan City police chief, nag-withdraw ng P.250 milyon ang dalawang kawani ng Mabini Junior College na sina Flora Famisanan at Cerilla Jourdan sa sangay ng Metrobank at idideposito naman sana sa Landbank sa kabilang kalye lang sa kahabaan ng JP Laurel highway.
Papatawid na sana ng kalye ang mga biktima nang harangin ng tatlong kalalakihang sakay ng motorsiklo at hablutin ang kanilang bag na naglalaman ng perang winidraw bago tumakas.
Naabutan sina Ponio at Basbas sa Castillo Street sa Barangay Poblacion.
Narekober mula sa mga suspek ang shoulder bag na may lamang P.2 milyon at personal na gamit na isang itim na backpack, at isang baril. Arnell Ozaeta