Nilamon ng apoy ang isang 26-anyos na misis makaraang makulong sa nasusunog na tatlong kabahayan sa Purok 5, Barangay Libertad sa bayan ng Isabel, Leyte kahapon ng umaga.
Kinilala ni SFO1 Cosmelito Tante, acting chief ng Bureau of Fire Protection sa Isabel, ang biktimang si Mildred Dela Flor y Trasmonte.
Sa imbestigasyon ni SFO1 Catalino Polangcos, nagsimula ang apoy sa ground floor ng bahay ni Rene Trasmonte kung saan nagtalunan sa bintana ang mga residente para makaligtas sa tiyak na panganib.
Base sa salaysay ng mga residente kay Polangcos, nakalabas na ng kanilang bahay ang biktima nang bumalik uli sa hindi nabatid na dahilan kaya na-trap sa naglalagablab na kabahayan.
Natagpuan ang sunog na katawan ng biktima sa isang kuwarto sa ground floor kung saan nadamay ang dalawang bahay na pag-aari nina Alberto Chua, at Victor Gucela. Naapula naman ang sunog bandang alas-6:45 ng umaga matapos rumesponde ang mga bombero mula sa Philphos, Merida, Palompon at PASAR. Pinaniniwalaang faulty electrical wiring ang isa sa dahilan ng sunog. Roberto C. Dejon