Nasilat ng mga awtoridad ang posibleng pagpapasabog sa bahagi ng Jolo airport makaraang madiskubre ang itinanim na bomba ng mga bandidong Abu Sayyaf kamakalawa. Sa phone interview, sinabi ni Col. Eugenio Clemen, commander ng 3rd Marine Brigade dakong alas-9 ng umaga nang ma-detonate ang improvised explosive device (IED) ng mga tauhan ng Explosives Device and Ordnance team ng militar. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang nag-iwan ng kulay berdeng bag sa airstrip ng nasabing paliparan bandang alas-8 ng gabi. Kinabukasan ay agad na ini-report ng ilang concerned citizen sa Philippine Marines, ang inabandonang bag kaya naagapan ang paghahasik ng lagim ng mga terorista Joy Cantos
3 bata hinigop ng pool
CAVITE – Kamatayan ang sumalubong sa tatlong bata makaraang malunod sa swimming pool sa loob ng kolehiyo sa Barangay Molino East, Bacoor, Cavite kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Emmalyn Mandreza, 6; Angeline Mandreza, 4; at si John Michael Casañes, 5. Huling namataan ang mga biktima na magkakasamang naglalaro bago pumasok sa isang kolehiyo kung saan ay may swimming pool na nilulumot na. Hindi naman nabatid kung papaano nakapasok ang mga biktima sa establisimyento na may security guard. Nagbigay naman ng pahayag ang pamunuan ng eskuwelahan na sasagutin nila ang anumang gastusin sa pagpapalibing ng tatlo. Cristina Timbang
Negosyanteng babae hinoldap
NUEVA ECIJA – Isang babaeng negosyante ang iniulat na natangayan ng malaking halaga at celfone makaraang holdapin ng ilang kalalakihan sa waiting shed na sakop ng Barangay Las Piñas sa bayan ng Peñaranda, Nueva Ecija kamakalawa ng umaga. Nakilala ng pulisya ang biktima na si Francisca Mendoza y Nieto, 45, may-asawa at residente ng Barangay Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, provincial police director, isa sa apat na holdaper ay nakilalang si Marlon Santos y Santiago ng Brgy. Pambuan, Gapan City. Sa imbestigasyon, lumilitaw na hinihintay ng biktima ang kaibigang negosyante nang lapitan at holdapin ng apat na kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo. Christian Ryan Sta. Ana
Kano nag-suicide sa selda
Pinaniniwalaang depresyon ang isa sa motibo kaya nag-suicide ang isang Kano sa loob ng kulungan ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Bantayan, Cebu kamakalawa. Idineklarang patay sa Bantayan District Hospital si Paul Cortis Agostinelli ng Brgy. Binaobao, Bantayan. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, inaresto ng pulisya si Agostinelli matapos ireklamo ng pambubugbog sa kanyang Pinay na ka-live-in at alarm and scandal naman ng kanilang mga kapitbahay. Habang nasa kulungan, dalawa rin sa mga preso ang sinaktan ni Agostinelli matapos itong magwala. Hindi pa nakuntento, hinila rin ni Agostinelli ang nakalawit na linya ng kuryente sa loob ng selda at kinuryente ang sarili hanggang sa mamatay, base na rin sa testimonya ng ilang kasama nitong preso. Joy Cantos