Lima-katao ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Davao death squad sa Davao City noong Lunes ng gabi, ayon sa ulat kahapon.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, kabilang sa mga napaslang ay sina Sgt. Rodolfo Tamondong, Daryl Gonzales, Erwin Candia, Jason Villanueva at isa pang biktima na inaalam pa ang pagkakilanlan.
Pasado alas -10 ng gabi nang pagbabarilin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki si Tamondong, na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng diversion road ng nasabing lungsod.
Isang oras pa lamang ang nakalilipas, niratrat hanggang sa mapatay naman sa Bankerohan ng Davao City si Daryl Gonzales.
Bago mag-alas-12 ng hatinggabi ay muling umatake ang apat na miyembro ng deads squad na sakay ng dalawang motorsiklo at niratrat sina Erwin Candia at Jason Villanueva sa kahabaan ng Pedro Ext. sa lungsod ring nabanggit.
Sa kasalukuyan ay wala pang maiturong mga suspek bagaman ang krimen ay pinaniniwalaang kagagawan ng Davao death squad.