Pinalaya na rin kahapon ng madaling-araw ang isa sa dalawang kinidnap ng grupong Abu Sayyaf matapos ang 46-araw na pagkakabihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Basilan.
Kinilala ang pinalayang bi hag na si Esperancita Hupida, program director ng Nagdilaab Foundation Incorp. at miyembro ng United Children’s Christian Fund.
Sa report na nakarating sa Camp Aguinaldo, si Hupida ay pinalaya sa bisinidad ng Sitio Limbo Kassa sa Brgy. Magkawa, Al Barka, Basilan at itinurnover kay Basilan Vice Governor Al Rasheed Sakalahul, pinuno ng Crisis Management Committee.
Gayon pa man, tumanggi naman si Sakalahul na kumpirmahin kung nagbayad ng ransom o di kaya naman ay board and lodging ang pamilya ni Hupida sa grupo nina Abu Sayyaf Commanders Nurhasan Jamiri at Furuji Indama .
Nauna nang nagbanta ang mga bandido na puputulan ng daliri si Hupida kapag nabigo ang asawa nitong si Nestor Hupida na ibigay ang P7 milyon ransom kapalit ng kalayaan nito.
Nananatili pa ring bihag ng mga bandido ang isa pang aid worker na si Millet Mendoza ng Quezon City. Joy Cantos