Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang abogado ng maka-Kaliwang grupong Kilusang Mayo Uno sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Kinumpirma kahapon ni Region 4A Police Director Chief Supt. Ricardo Padilla ang pagkakadakip kay Atty. Remegio Saladero Jr. sa tahanan nito sa nasabing lungsod.
Sinabi ni Padilla na si Saladero ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap nitong kasong multiple murder at frustrated murder sa Occidental Mindoro Regional Trial Court.
Iginiit ni Padilla na pinaiiral lamang nila ang batas sa pagdakip laban kay Saladero at hindi ito personal tulad ng mga akusasyon ng naturang militanteng grupo.
Kasabay nito, sumugod sa Camp Vicente Lim sa Laguna ang mga miyembro ng KMU at iba pang militante upang kwestyunin ang pag-aresto sa kanilang abogado. (Joy Cantos)