Magkaibigan itinumba

BATANGAS – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa magkaibigang lalaki makaraang pagbabarilin ng isang nagsisiga-sigaang lalaki sa bahagi ng Barangay Matabungkay, Lian, Batangas kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Inspector Jose Marasigan, hepe ng Lian police station, ang mga biktimang sina Neil Vincent Pinesa, 15, mag-aaral sa Matabungkay National High School at Jonathan Abaniel, 27, ng Barangay Luyahan.

Sugatan naman ang tiyahin ni Neil na si Ofelia Pinesa, 36; at si Carlo Badajos, 20.

Ayon sa police report, nag-ugat ang pamamaslang matapos magreklamo sina Neil Vincent at Badajos sa barangay hall dahil sa panunutok ng baril sa kanila ng suspek na si Renato Marasigan, Jr., 25.

Labis na ikinagalit ng suspek, ang ginawa ng mga biktima kaya isinagawa ang krimen sa harap mismo ng bahay ng una. Nagsasagawa naman ng hot pursuit operation ang pulisya laban sa suspek. (Arnell Ozaeta)

Show comments